top of page
Search

Traslacion 2021

Updated: May 7, 2021

Homiliya ni Fr. Jason Laguerta sa pagdiriwang ng Traslacion ng Nuestro Padre Hesus Nazareno



Noong isang taon 2020, maraming deboto ang nabitin sa napakabilis na Traslacion. Dahil mabilis, marami ang hindi nakalapit sa andas. Tumagal lang ito ng 16 na oras. 8:49 ng gabi nakabalik na ang Senyor. Di katulad noong 2017 at 2018 na 3:30 na ng madaling araw natapos ang prusisyon. Di natin lubos akalain na patikim pa lang pala ang nangyari noong isang taon. Dahil ngayon, wala talagang traslacion. Wala talagang makalapit sa andas. Kasi wala namang naayusang andas. Ni isang segundo o minuto, wala ang Senyor sa mga kalye ng ruta ng prusisyon. Kaya ang tanong natin, wala nga ba talagang Traslacion sa taong ito? Ang sagot ko. Meron. May Traslacion na nagaganap. May mga debotong naglalakbay. May andas na idinuduyan. May pagsasalyang isinisigaw. Kakaiba nga lang sa nakagawian.


Ang Traslacion ay tungkol sa pagbabago, sa pagtawid, sa paglalakbay, sa paglipat ng Poong Nazareno mula sa kanyang dating tahanan patungo sa kaniyang bagong luklukan. Ang unang Traslacion ay nangyari sa paglalakbay ni Hesus sa daan ng krus. Mula sa palasyo ni Pilato patungo sa bundok ng kalbaryo. Sinundan ito ng isa pang traslacion sa paglabas nya mula sa loob ng yungib ng kamatayan patungo sa liwanag ng Muling Pagkabuhay.


Kung tutuusin ang buong kuwento ng kaligtasan ay tungkol sa Traslacion kagaya ng ating narinig sa ating mga pagbasa. Sa pagtawid ng salita patungo sa pagsasakatawang-tao. Sa pagsikat ng liwanag sa dilim. sa pag-ahon mula sa baha. Sa paglaya sa pagkakaalipin. Sa pagtatampok ng krus sa Golgotha. Sa pagputok ng bukang liwayway para salubungin ang bagong araw. May traslacion. Walang makapipigil sa traslacion.

Kailangan lang nating buksan ang ating diwa at mga mata. Nasaan na ang Traslacion? Nasa Arlegui na ba? Nasa Hidalgo o Globo de Oro na ba? Nasa Villalobos na ba at malapit na? Nasaan na ang Traslacion?


Andyan sa puso mo. Naandyan ang Traslacion. Alisin mo ang sapin sa yong paa. Sagrado ang kinatatayuan mo ngayon. Huwag mong hanapin ang andas. Ang puso mo ang andas. Dalhin mo ang Senyor sa iyong puso. Protektahan mo sya. Pasanin mo sya. Yumuko ka at hayaan mo ding makalapit ang iba. Ihanda mo ang iyong panyo. Ihaplos mo sa kanya. Huwag mong isipin na hindi ka makalapit sa andas. Ang puso mo ang andas. Nasa andas mo ang Senyor. At hinihingi Niyang isalya mo ang buhay mo sa kanya. Kaya ka walang katahimikan o walang sigla, kasi nabubuhol ka pa sa lubid ng kasalanan at kawalang tiwala. Naka-otso ang lubid mo. Kailangan mong ituwid. Makinig ka sa pito at mga payo sa yo. Tuloy-tuloy ang prusisyon. Hindi ito titigil dahil lang pagod ka na. Magpahinga ka kung kailangan. Inom ng tubig para maginhawaan. Pero bumalik ka sa traslacion. Binabago ni Hesus ang iyong buhay. Ibinabangon Niya ang iyong dangal at pagkatao. Ang traslacion ay wala sa kalye. Ang traslacion ay ikaw. Sabi ni Pope Francis sa kanyang aklat na Let us Dream: From this crisis, we can come out better or worse. We can slide backward, or we can create something new. For now, what we need is the chance to change, to make space for the new thing we need.


Ang Traslacion ay pagbabago. Pero sana ang pagbabago ay hindi lang mangyari sa ating mga puso’t kalooban. Ang Traslacion ay dapat mangyari din sa ating lipunan. Sa panahong eto ng pandemya, napakaraming bagay ang dapat nating isalya. Napakaraming naka-otsong lubid na kailangang ituwid. Ang politikang walang pananagutan. Ang negosyong walang konsensya. Ang patayang walang pakundangan. Ang siraang bardagulan. Ang nakawang kaliwa’t kanan. Ang ambisyon at kasakiman na walang katapusan. Ang kalasingan sa kapangyarihan na ayaw nang bitiwan. Eto ang mga bako-bakong ruta ng ating lipunan na kailangang daanan ng Traslacion. Maraming nagsasabi na ang Poong Nazareno ang dahilan kaya walang pagbabago sa ating lipunan. Tayo daw mga deboto ang hadlang kaya hindi umuunlad ang ating bayan. Kontento na raw tayo sa pagpasan-pasan ng krus at pahila-hila ng lubid. Dinadaan na lang daw natin sa pagkaway-kaway, sa pahalik-halik, sa paviva-viva ang ating mga problema kaya di tayo nagsisikap na ayusin ang mga sistemang bulok na sumisiil sa atin. Sa isang banda, tama naman sila. Pwede ngang mangyari na ang deboto ay maging matiisin, masunurin at walang pakialam. Ngunit hindi eto ang diwa ng Traslacion. Ang pagbaba ni Hesus sa ating kalagayang tao ay hindi para lamang samahan tayo. Bumaba siya para iangat din tayo sa buhay at karangalan ng isang anak ng Diyos. Ang kanyang pagpasan ng krus ay hindi palabas para hangaan o kaawaan. Para ito sa atin upang pasanin at pagtagumpayan din natin ang mga krus sa ating buhay. Ang hamon ng Traslacion ay hamon ng pagpapanibago, hamon ng rebolusyon sa lipunan. Hindi ng karahasan kundi ng katarungan, kahinahunan at pagmamahalan. Ang traslacion ngayong taon ay traslacion ng pagbabago ng puso (change of heart) at pagpapanibago ng lipunan (social change).


Mga kapulisan, wala kayong babarikadahan. Barikadahan nyo ang karapatang pantao. Igalang nyo ang buhay. Mga hijos, wala kayong lubid na hihilahin, hawakan nyong mahigpit ang lubid na nagbubuklod sa inyo bilang pamilya. Mga tindero/tindera, wala kayong papakainin. Pakanin nyo ang mga nagugutom at nawalan ng trabaho sa inyong paligid. Mga balangay, wala kayong andas na sasampahan. Akyatin nyo ang mga andas ng pagtitiwala at pag-asa, pagdamay at pagkakawang-gawa. Mga deboto, hindi kayo kailangang magpaa ngunit alisin nyo ang inyong mga komportableng tsinelas at sapatos para damayan ang hirap ng inyong kapwa.


Walang prusisyon. Pero tuloy ang traslacion. Ituloy ang pagtawid sa bagong buhay. Ituloy ang pagbabagong-loob. Ituloy ang pagpapanibago ng lipunan at simbahan. Deboto kailangan ka ng pamilya mo, ng bansa mo. Gamitin mo ang pangungulila’t paghahangad mong makalapit sa Senyor para makamtan natin ang ganap na Traslacion, ang paglalakbay natin sa kaligtasan patungo sa buhay na walang hanggan. Viva! Mahal na Poong Hesus Nazareno.

169 views0 comments

Commentaires


bottom of page