top of page
Search

Tanda ng totoong Deboto ng Nazareno: Pag-asa at Pagsunod kay Hesus

Homiliya ng ating butihing Cardinal Jose F Advincula, Arsobispo ng Maynila

Misa Mayor sa Dakilang kapistahan ng Mahal na Poong Nazareno | Enero 9, 2025

Quirino Grand Stand


Lgg. Antonio Tobias Bishop Emeritus ng Novaliches, Lgg. Teodoro Bacani Obispo Emeritu ng Novaliches, Lgg Rufino Sescon Jr. Rector ng Basilika Menore at Pambansang Dambana ni Hesus Nazareno at hinirang ng Obispo ng Balanga sa Bataan, Kgg Maria Sheilah Lacuna-Pangan Punong Lungsod ng Maynila at ating Hemana Mayor, Kgg Yul Servo Vice Mayor ng Lungsod ng Maynila, PGen Rommel Francisco Marbil, iba pang mga opisyal at mga kasapi ng ating Kapulisan, mga paring nakipagdiwang, mga diyakono, mga seminarista, mga relihiyoso at relihiyosa, mga minamahal kong kapatid kay Kristo at kapwa deboto ng Mahal na Poong Hesus Nazareno: Viva Hesus Nazareno! Nagpapasalamat tayo sa Diyos, sapagkat tinipon Niya tayo ngayon upang sumamba at maglingkod sa Kanya. Masaya ako na makapiling kayo ngayong piyesta ng Mahal na Poong Nazareno! Maligayang kapistahan po sa ating lahat.

 


Mas mabuti ang pagsunod kaysa paghahandog sa mga umaasa kay Hesus. Ito ang tema ng ating piyesta ngayong taon, hango ito sa unang aklat ni Propeta Samuel 15:22 (1 Sam 15:22). Dalawang aral ang alalahanin natin: pag – asa kay Hesus at pagsunod kay Hesus.


Una ay pag-asa kay Hesus. Sa ating Ebanghelyo ngayon, sinabi ng Panginoon kay Nicodemo na kailangan itaas ang Anak ng Tao upang ang sinumang sumasampalataya sa kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan. Gusto ng Mahal na Señor na tayo ay mabuhay, mabuhay ng walang hanggan.


Ano ba ang mas maganda, buhay o patay? Mas malakas, buhay o patay? At ang gusto ng Mahal na Señor para sa atin ay hindi lang buhay, kung hindi buhay na walang hanggan. At may kasabihan pa tayong mga Pilipino: habang may buhay, may pag-asa. Habang may buhay, naniniwala ba kayo roon? May mas magandang turo ang mahal na Señor. Sa halip na habang may buhay may pag-asa, ang turo Niya sa atin ay habang may pag-asa, may buhay. Paki ulit niyo nga po: habang may pag-asa, may buhay. Hangga’t meron tayong pag-asa, meron tayong buhay. Hindi natin kayang mabuhay kung wala tayong pag-asa sa buhay dahil ang taong walang pag-asa sa buhay ay taong papatay-patay.


Mga kapatid, may pag-asa tayo dahil buhay si Hesus Nazareno! May pag-asa tayo dahil buhay ang Mahal na Señor. Sa tuwing sumisigaw tayo ng “Viva” sa Mahal na Señor, sinasabi natin na buhay ang Mahal na Señor. Buhay ang pag-asa natin, dahil buhay ang Mahal na Señor. Nabubuhay Siya sa mga puso natin. Nabubuhay Siya sa paligid natin. Nabubuhay Siya kasama natin. Huwag na tayong magpapatay-patay! Habang may pag-asa, may buhay. Kaya’t mabuhay tayo pag-asa kay Hesus. Viva Hesus Nazareno!


Ang ikalawa namang aral, ay pagsunod kay Hesus. Sa Ikalawang Pagbasa, sinabi ni San Pablo, na ang Mahal na Poong Hesus Nazareno ay masunurin sa Kanyang Ama. Sumunod Siya sa kalooban ng Diyos Ama magpahanggang kamatayan. At bakit masunurin si Hesus? Ito ay sapagkat mahal Niya ang Ama. Ang nagmamahal sa Diyos ay sumusunod sa Diyos. Ang umaasa sa Diyos ay sumusunod sa Diyos.


Kaya naman, mga minamahal na kapatid kay Hesus Nazareno, kung tunay tayong deboto, kung totoong mahal natin ang Poong Hesus Nazareno, maging masunurin tayo sa Kanya. Gayahin natin Siya, na masunurin sa Ama magpahanggang kamatayan. Sabi sa ating tema ngayong taon, mas kinalulugdan ng Diyos ang ating pagsunod kaysa paghahandog.


Sa totoo lang, ang pagsunod ang tanda ng pag-asa. Kung ano ang sinusunod natin, yun talaga ang inaasahan natin. Kung naghahandog tayo sa Señor, pero sumusunod naman tayo sa pera, ibig sabihin pera talaga ang inaasahan natin. Kung nagdedebosyon tayo sa Señor pero sumusunod naman tayo sa masamang tao, ibig sabihin masamang tao talaga ang inaasahan natin. Kung namamanata tayo sa Señor, pero sumusunod naman tayo sa bisyo, ibig sabihin bisyo talaga ang inaasahan natin. At kapag susunod tayo sa pera, sa masamang tao, sa bisyo o sa anumang bagay ng mundo, mabibigo lamang tayo, madidismaya lamang tayo.


Iisa lamang ang tunay na maaasahan, iisa lamang ang nagdudulot ng pag-asang hindi bumibigo, Siya ang Mahal na Poong Hesus Nazareno. Kaya’t Siya ang sundin natin. Ang mga utos Niya, ang isabuhay natin. Ang mga aral Niya, ang isapuso natin.  Ang halimbawa Niya sng tularan natin. Mas mabuti ang pagsunod sa Mahal na Señor.  Harapin mo ngayon ang katabi mo, at sabihan mo siya, Kapatid, sumunod tayo kay Hesus! Palakpakan natin ang Poong Hesus Nazareno!

 

Pag-asa kay Hesus at pagsunod kay Hesus, ito ang mga tanda ng tunay na deboto. Ipangako natin ito kay Hesus. Siya lamang ang maaasahan natin. Siya ang lagi nating sundin. Viva Poong Hesus Nazareno! Amen.


Transcribed by Russell Fleur F. Gallego

Photos from Quiapo Facebook page

36 views0 comments

Recent Posts

See All

Kommentare


bottom of page