top of page
Search

Si Maria at ang mga Misteryo ng Santo Rosaryo

Updated: Oct 6, 2023

Homily of Fr. Filemon dela Cruz, Jr., OP,

Prior Provincial of the Dominican Province of the Philippines

Opening of the Archdiocese of Manila's Month of the Holy Rosary

at the Manila Cathedral | October 2, 2023


Mga kapatid sa pananampalataya, magandang umaga po sa inyong lahat.


Ako po ang namumuno sa pagdiriwang na ito sa aking pagkakaalam, ang dahilan ay hindi kasi available si Cardinal (Advincula). At alam natin ang dahilan dahil ang Cardinal ay nasa Roma upang umattend ng Synod on Synodality. I don’t really mind, actually, na pumalit. Katunayan, I feel grateful for the invitation, I feel honored, I feel humbled and privileged to share some thoughts with you this morning. Lalong-lalo na sa pagbubukas ng ating rosary devotion ngayong buwan ng Oktubre.


Binanggit ko po ito dahil gusto ko lang talagang ipasok yung topic ng synodality. Yun po ang dahilan as kind of introduction habang sila ay nag-uusap-usap sa Synod on Synodality, napakaganda rin na binibigyan tayo ng isang anggulo para pagyamanin ang ating pagtingin at pagkilala sa Santo Rosaryo.


Ang unang gusto kong sabihin, ang Santo Rosaryo is a prayer that captures the whole spirit of Synodality. Puwede kong sabihin, siya ay isang “synodal prayer”. When we talk about journeying together, when we talk about participation, communion, and mission, lahat po ito ay napapaloob sa panalangin ng Santo Rosaryo.


Kung inyong sasaliksikin, kung tayo ay papasok sa totoong diwa ng pagdarasal ng Santo Rosaryo, sa ating mga lumaki sa pagdarasal ng Santo Rosaryo, hindi ba natuto tayong magdasal kasabay ng pamilya o ng komunidad, o sa block rosary? Sabay-sabay. At kung kahit hindi man tayo naglilipat-lipat ng lugar o ng bahay o naglalakad o nagpuprusisyon, kahit pansinin ninyo ang pagdarasal ng rosaryo, para kang naglalakad. Sa bawat bigkas ng Aba Ginoong Maria, sa bawat pagdurugtong ng bawat misteryo, tayo ay naglalakad nang sabay-sabay.


We are journeying together and we are not praying alone, even if you sometimes think that you are praying alone while riding the car or jeepney, we are always walking and journeying with Mary.


And Mary, through the mysteries of the Rosary, would always place Jesus at the center of our lives, or walking ahead of us or beside us, leading us.

Kaya ito ang maganda nating, sabihin nating, tingnan sa ating pagtitipon na ito. Paano ba natin mapapasok ito? Paano ba magaganap ito? Madalas, pinag-iisipan ko paano ba maipo-promote o how can we help other people appreciate more the rosary and go beyond simply the recitation of the rosary and really enter into the mysteries?



Dalawa yung naiisip kong paraan. Maybe accommodated but I hope it makes sense. Ang isa, tanawin ito parang teleserye. Nanonood kayo ng mga teleserye, di ba? Minsan, naiisip ko tuloy, ano kaya ang itawag natin sa bawat mystery ay episode? The First Episode: The Annunciation. The Second Episode…eh alam natin pag episode ang binanggit, dugtong-dugtong yan. At tayo ang nagkakabit, tayo ang bumubuo ng kuwento ng salaysay ng buhay ni Kristo sa pananaw at karanasan ng ating Mahal na Ina. Di ba? The First Episode.


Merong Four Seasons…hinahantay nga natin yung mga seasons ng teleserye, Season One, Season Two, Season Three…Parang ganun din, meron din siyang season. Season ng Tuwa, ng Liwanag, ng Pighati, Kaluwalhatian…may dinadaanan. Pero maa-appreciate mo lang kapagka ito ay iyong sinubaybayan. Pagka ito’y ating sinubaybayan. So yun yung isang paraan siguro paano tanawin sa makabagong panahon natin at ma-appreciate natin ang pagdarasal ng Santo Rosaryo.


Pangalawa, paano papasukin ang bawat misteryo? Alam ninyo, mahilig tayong mag-picture. Nakapagpa-picture na ba kayo? May nagpa-picture na ba? Malamang later magpipicture. At, usually we take a picture solo. At pagkatapos niyan, kasama na tayo, di ba?


Pero, alam ninyo, bago pa nag-develop yung technology, meron tayong kakayahan. Bago pa nagkaroon ng camera, cellphone, meron tayong kakayahan mag-picture sa ating isipan. Kaya nga kapag binasa mo ang ebanghelyo, halimbawa Annunciation, sabihin ko sa inyo, i-picture natin sa isip natin kung anong larawan ng Annunciation.


Ano ba ang nakikita ninyo? Ano bang hugis ang nabubuo? Ang pagpicture ay pag-capture ng larawan. Paano natin ika-capture ang kaganapan sa Annunciation, halimbawa? Magagawa ninyo lamang iyan kapagka pinayagan natin ang ating mga sariling tulungan ng mga ebanghelista, ng ebanghelyo. Sinulat nila eh, dinescribe nila. Anghel Gabriel pinuntahan si Maria, binati si Maria… pinipicture mo ‘yan, kina-capture mo. Di ba ganun ang picture you try to capture something? And somehow pag na-capture mo, buo sa isip mo at depende sa pagkaka-capture mo kung gaano kalinaw ang iyong pagkaka-capture. Meron ka nang larawan. Eh dugtungan ninyo yan. So puwede ninyong i-picture, i-video mo, o diba?


Nung araw, nung wala pang technology tinuturuan tayong magsalarawan, magsadula. Larawan, dula, mas advanced. May dala-dala na siyang kuwento. Isalarawan mo, isadula mo. Sa modern terms, i-picture mo, i-video mo. Muntik ko na ngang dugtungan eh, i-TikTok mo. Kaya lang baka mamis-interpret may magsayaw-sayaw dito no, ginawang background ang Mahal na Ina.


Pero sa pagsasalarawan, sa pag-picture natin ng bawat kabanata, ng bawat misteryo, hindi ba’t tulad ng ibang picture natin, gusto natin kasama tayo? Gusto nating kasama tayo. Kaya yung pagrorosaryo ay hindi andun si Maria, nandito tayo. Pumapasok tayo sapagkat gusto nating makasama. Gusto nating makasama sa paglalakbay ni Maria. Gusto nating makita dahil tayo’y kasama kung ano ang nakita ni Maria. Gusto nating madama, mapahalagahan ang mga nadama ni Maria at ang kanyang pagpapahalaga sa Panginoon.


Iyon ang pagpasok. At ang bunga niyan, mga kapatid, ay walang iba kung hindi participation and communion. Napi-picture n’yo ba na kasama kayo sa simbahan? Nakikita mo ba ang iyong lugar sa loob ng simbahan? Sapagkat doon naka-ugat kung paano natin binubuo sa ating isip ang larawan ng simbahan at larawan ng ating paglalakbay ng sama-sama kay Maria.


Subaybayan, buuin ang kuwento, bawat episode. Kung nakalimutan na ninyo yung previous episode, balikan ninyo. Sabihin ninyo sa sarili ninyo, “Ano ba ang nakaraan?” Di ba gano’n ang episode, “Ang nakaraan.” “Susunod na…” Kaya nga first episode lang ‘to, ang dami pang susunod. At makikita ninyo kung ano ang basehan ng ating debosyon at pagpapahayag ng pagmamahal kay Maria. Sapagkat nariyan na yung ating debosyon. Pero minsan di natin kayang ipagtanggol. Sapagkat di natin alam kung anong basehan.


Hindi ko maiwasang hindi banggitin ang ating Pambansang Kamao na si…ang ating senador, Manny Pacquiao. Syempre, fan tayo eh, Pambansang Kamao, nagbigay ng karangalan sa ating bansa. Nung marami kanyang laban, ay palagi niyang kasama, sinasabit ang rosaryo. Dala-dala niya. Bago lumaban, sa corner, nagdarasal siya.


Pero nalungkot ako nung dumating yung pagkakataon na ito ay kanyang binitawan. Ito’y kanyang binitawan. Siguro’ng dahilan hindi siya naturuang pumasok sa loob kung anong nilalaman ng rosaryo. Akala niya ito’y paulit-ulit lang na panalangin. Akala niya ito ay parang bigkas-bigkas lang kahit wala sa isip at sa kalooban. Hindi niya siguro batid na ito ay hango sa Banal na Kasulatan. Madaling bitawan.


Maraming nagpapa-picture sa imahen ng Maria lalo na kapagka ito’y maganda. Pero mga kapatid, ang tunay na kagandahan ni Maria ay hindi lamang nalilimita sa nakikita nating kanyang estatwa. Ang kanyang kagandahan ay makikita ninyo sa pagsasalarawan ng ebanghelyo sa katauhan ni Maria, sa kanyang ugnayan sa Diyos.


“Huwag kang matakot, Maria. Pinagpala ka sa babaeng lahat, at pinagpala ang iyong anak na si Hesus.” Pinagpala si Maria dahil sa kanyang dala-dala sa kanyang buhay. Pinagpala siya sa babaeng lahat sapagkat tinanggap niya ang pinaka-dakilang grasya na puwedeng tanggapin ng tao - si Hesus iyon, ang ating Tagapagligtas.


Kaya nga kapag ika’y pumasok sa misteryo ng rosaryo, sa Unang Kabanata, sa Annunciation, dapat tayo magalak sapagkat yung tinanggap na balita ni Maria ay hindi lang para sa kanya, para sa sangkatauhan na ang Tagapagligtas ay narito na. Wala dapat lugar sa ating mga depression sa buhay, sapagkat sa ating paglalakbay, pag kasama natin ang Panginoon, tandaan n’yo, pag kasama mo ang Panginoon sa iyong paglalakbay, walang dead end. Walang dead end. Bakit? Siya yung daan mismo. Siya yung daan. Siya ang hantungan. Siya ang tagapagligtas. Siya ang ating kailangan.


Kaya nga ang pagdarasal ng rosaryo, kung mayroon mang inaasahan tayong mangyari bukod sa ating mga personal na kahilingan, ang natitiyak ko ay ito - ang tayo ay mailapit ng Mahal na Ina kay Kristo. She leads us to enter into a communion with the Lord. And with the Lord, with one another, to walk together as one people, as one Church.


The mission, it comes, it flows. Kapagka nakapasok ka doon hindi mo na mapipigilan ang udyok ng Espiritu Santo kung ano ang Kanyang ipagagawa sa iyo at kung saan ka Niya dadalhin. Kaya nga inuulit ko, ang rosaryo is a “synodal prayer.” It captures the very spirit of walking together, the whole spirit of participation, communion, and mission.


Masarap maglakad pag marami. Masarap maglakad pag marami, hindi ba? Alam ko, sa aking mga naririnig noon, yung mga organizers nito ay nais nilang ang debosyon na ito ay hindi lang sa atin-atin lang. Gusto nila na sana kahit sa loob ng Intramuros ay lumakas at maibalik natin ang debosyon sa Santo Rosaryo.


Napakaraming eskuwelahan dito sa loob ng Intramuros, napakaraming kabataan, napakaraming komunidad at sambayanan. Ang kagandahan lahat sila ay nasa loob na. Kulang na lang na ating abutin, yayain. Yayaing maglakad kasama natin, kasama ni Maria, kasama ng Simbahan tungo sa pakikiisa sa Simbahan at sa misyon na ibinigay ni Kristo.


Hayaan ninyong tapusin ko ito sa isang kuwentong narinig ko noong araw. Meron daw isang couple na Protestante, mga kapatid nating nahiwalay sa atin. Sila’y naglalakbay sa Europa, at alam ninyo naman ang Europa punong-puno ng simbahang Katoliko. Eh naisip nilang magdasal dahil Linggo ata noon, pero wala silang mahanap na simbahan ang pinakamalapit lang ay isang Catholic church. Kaya naisip nila na, “Siguro pwede na ‘to, pwde namang pumasok dito. Magdarasal lang naman tayo, pare-pareho naman tayong kumikilala kay Kristo, dito na tayo magdasal,” sabi nung mag-asawa. Pumasok sila at nagdasal.


Tahimik dahil wala namang misa, so nagdasal lang sila ng personal. Habang sila’y nasa gitna ng katahimikan, habang sila ay nagdarasal, meron silang narinig na humihikbi, parang umiiyak, parang ganun. Hinahanap nila saan galing at nang matunton nila nakita nila ang isang babae, marahil isang ina na nakaluhod sa harapan ng estatwa ng Mahal na Ina, umiiyak. Pinagmasdan nila. Maya-mayang konti, nagmungkahi yung lalaki, I think pastor siya. Sabi niya, “Ito yung nami-miss natin sa simbahan natin. Nawalan tayo ng ina. Isang ina na puwede nating takbuhan at iyakan.”



Mayroon tayong ina na pwedeng takbuhan, iyakan, dulugan ng anumang ating dinadaanan sa buhay, kasama nating maglalakbay - Ang Mahal na Ina. Kaya’t yakagin natin lalong-lalo na ang mga kabataan na maipasa natin sa susunod na henerasyon ang debosyon na ito. Malakas ang aking paniniwala ang taong deboto ng rosaryo at tunay na alam pano gamitin ang rosaryo ay hindi mawawalay sa Diyos. Hindi papayagan ng Mahal na Ina na ang kanyang anak ay mahiwalay sa ating Panginoon.


Pagpalain tayong lahat ng ating Mahal na Ina.


Transcribed by Gel Katalbas

Photos from Manila Cathedral Facebook page

528 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page