top of page
Search

Pagsunod at Patanggap sa Kalooban ng Diyos

Homily of His Eminence Jose F. Cardinal Advincula, D.D., Archbishop of Manila

9th day of Novena in Honor of the Solemnity of the Immaculate Conception of the Blessed Virgin Mary | December 7, 2022 | Diocesan Shrine and Parish of Immaculate Conception - Malabon

Bago pa man ipinanganak si Maria, inihanda na siya ng Diyos. Ipinaglihi siyang walang sala, upang ihanda siya na dalhin sa kanyang sinapupunan ang Anak ng Diyos. Tinuturuan tayo ng mga pagbasa kung paano humarap at tumugon sa isang krisis katulad ng pandemyang naranasan natin. May mga krisis na tayo ang may kagagawan, ‘tulad ng sa Unang Pagbasa (Gn 3:9-15, 20). May mga krisis na tila bahagi ng kapalaran natin. Sa Ebanghelyo (Lk 1:26-38), ipagbubuntis ni Maria si Jesus. Siya ang magiging ina ng Anak ng Diyos, gayong wala pa siyang asawa.


Pagsunod sa Kalooban ng Diyos

Una, narinig natin sa Unang Pagbasa na ipinagpilitan nina Eba at Adan ang sarili nilang kagustuhan. Pinagbawalan na sila, nagbabala na ang Diyos, ngunit nagpumilit pa rin sila. Napariwara tuloy sila. Sa ating Ebanghelyo, ipinakita sa atin kung paanong binuksan ni Maria ang kanyang sarili sa kalooban ng Diyos. Ipinakita kung paanong sinunod ni Maria ang plano ng Diyos.


Sa gitna ng krisis, katigasan ng ulo ang nagpapahamak sa atin. Kapag ipinagpipilitan natin ang sarili nating kagustuhan, tinatalikuran natin ang plano ng Diyos. Sa gitna ng krisis, pagtitiwala at pagtalima ang dapat nating tugon. Hindi natin, halimbawa, kontrolado ang virus. Ang Diyos ang may kapangyarihan at kontrol sa lahat. Hindi natin hawak sa ating kamay ang virus. Ipagkatiwala natin sa kamay ng Diyos ang pandemya, habang ginagawa natin ang ating bahagi upang masugpo ito.


Katulad ni Maria, tulutan natin ang Diyos na gawin tayong instrumento upang matupad ang Kanyang kalooban. Kahit kailan ay hindi tayo ipahahamak ng plano ng Diyos. Alam ng Diyos ang nakabubuti sa atin. Ang plano ng Diyos, ang kalooban ng Diyos, ang tunay na makapagpaliligaya sa atin. Hindi ang sarili nating plano.

Hangga’t ipinagpipilitan natin ang ating sarili, ang sarili nating kagustuhan, at hindi ang plano ng Diyos, mapahahamak lang tayo.


Pagtanggap sa Kalooban ng Diyos

Ikalawa: ano ang nangyari matapos ipagpilitan nina Eba at Adan ang sarili nilang kagustuhan? At ano naman ang nangyari, matapos tanggapin ni Maria ang kalooban ng Diyos?


Nang ipagpilitan nina Eba at Adan ang kanilang plano at kagustuhan, nakita nilang sila’y hubad. Nagsisihan sila, nagturuan sila. Ang paglayo natin sa Diyos at pagtalikod sa Kanyang kalooban ay may kakambal na pagsira sa relasyon natin sa ating kapwa. May epekto ang relasyon natin sa Diyos sa relasyon natin sa ating kapwa. Sa paglayo natin sa Diyos, mararamdaman natin ang ating pag-iisa.


Ngunit si Maria, matapos niyang tanggapin ang kaloobang Diyos, dali-dali siyang nagtungo sa kanyang pinsang si Elisabet. Ang pagtanggap ng kalooban ng Diyos, ang mabuting relasyon sa Diyos, ay nagbubunga ng kakayahang magmalasakit sa kapwa. Sa harap ng isang krisis, pagmamalasakit ang tugon. Hindi tayo ililigaw ng pagmamalasakit. Hindi natin ikalulugi ang pagbibigay. Sa pagmamalasakit lumalago tayo sa pag-ibig. Hilingin natin ang mga biyayang ito, upang lumago tayo sa kabanalan, sa pagtitiwala sa Diyos, at sa pagmamalasakit sa kapwa.


Ipinagkakatiwala ko kayo sa maka-inang yakap ng mahal na Birheng Maria.


O Maria, Ina ng Diyos at Ina naming lahat, ipanalangin mo kami. Amen.


166 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page