top of page
Search

"May mata ang puso na nakakakita lamang kapag umiibig..."

Homily of H.E. Cardinal Luis Antonio G. Tagle

on the Feast of St. Vincent de Paul

St. Vincent de Paul Parish, Ermita, Manila | September 27, 2023


Mga minamahal na kapatid sa pananampalataya, tayo po ay magpuri at magpasalamat sa Panginoon na Siyang nagtipon sa atin sa araw na ito ng Dakilang Kapistahan ni San Vicente, and patron ng atin pong simbahan at ng ating parokya.


Ang atin pong mga pagbasa ay parang tinahi-tahi, ano po? Sa unang pagbasa mula sa propeta Ezekiel, napakaganda ang pangako ng Diyos. Sabi Niya, “Ako mismo, ako na Diyos ang maghahanap sa mga nawawala, sa mga sugatan, sa mga napapagal. Ako mismo. Titipunin ko sila, aakayin ko sila.” Hindi niya iyan ipapasa sa iba. Siya ang gagawa niyan. “Ako mismo.”


At iyan po ay natupad kay Hesus sa ebanghelyo. Si Hesus na ipinangako noong Lumang Tipan bilang Mesiyas. At nung dumating nga si Hesus, sabi sa narinig nating ebanghelyo, talaga namang umiikot siya. Umiikot siya. Sa kanya natupad ang sinabi ng Diyos, “Ako mismo ang iikot.” At nakita ni Hesus ang kalagayan ng mga tao. Sabi po sila ay lupaypay, pagod na pagod.


Nung panahon na iyon sila po ay nasasakupan ng mga banyaga, ng mga Romano. Kaya hindi lamang sila lupaypay dahil sa hirap. Lupaypay din sila dahil parang nayayapakan ang kanilang dignidad, ang kanilang karangalan bilang mga Bayan ng Diyos.


Pero hindi sapat kay Hesus na siya ay gumala at nakita. Sabi po sa ebanghelyo, naantig ang kanyang puso.


Ah! Marami naman kasing gumagala eh! Pero yung ibang gumagala, parang walang nakita. Pumunta kayo sa mall, gala nang gala. Pero parang walang nakikita. May nabubunggo nga diyan, nagaganun, wala lang. Meron ngang tumatawid ng kalye, ni hindi tinitignan kung merong sasakyan diyan o ano kasi naka-cellphone, wala! May gala nang gala, walang nakikita.



Pero marami rin yung gala nang gala, may nakikita man o wala, hindi naantig ang puso. Ang puso kailangang makakita rin. May mata ang puso na nakakakita lamang kapag umiibig. Kay Hesus nakita natin ang Diyos na gumagala, may mata sa mga dukha. Sabi nga ni San Pablo sa Ikalawang Pagbasa, “Pinipili ng Diyos na makita ang mga hamak, ang mga minamaliit.” Yung hindi tinitingnan ng iba. Kasi pag tiningnan yung mga dukha baka maantig ang puso ko eh, baka makonsensya ako. Para hindi na ako makonsyensya, ‘wag ko na lang tignan. Para wala akong nakita, eh di tuloy lang ako sa aking nakagawian. Si Hesus, gumala, nakita, naantig ang puso.


Pero hindi pa siya tumigil diyan. Sabi niya, “Magdasal tayo para magpadala ang Diyos ng marami pang manggagawa. Bagamat Diyos mismo ang kumikilos, gusto ng Diyos kumilos din ang iba bilang ka-manggagawa niya. Kikilos, lilibot, makakakita, maaantig ang puso, at magpapahalaga sa mga minamaliit.


Ang ganda po ng ating mga pagbasa. Nagbibigay ng pag-asa sa atin. Kasi kung tutuusin, lahat naman po tayo ay dukha. Wala naman sa ating isinilang na may dala-dalang kayamanan. At lahat po tayo ay matatapos sa buhay sa daigdig nang walang bitbit. Kaya sabi ni San Pablo, “Walang dapat magmalaki. Lahat tayo ay pantay-pantay sa pagiging dukha kaya mahal tayo ng Diyos.” Subalit sa ating panahon ay mayroong mga tao na ginagawang mas dukha pa dahil sa mga sistema na hindi makatao at makatarungan.


Ang kadakilaan po ng mga santo isinabuhay nila ang Mabuting Balita. Kahit na sino pa ‘yang santo na pinagdiriwang natin, makikita natin mayroon silang bahagi ng ebanghelyo o Salita ng Diyos na nakapukaw sa kanila at isinabuhay nila. Ang atin pong inaalaala sa araw na ito, si San Vicente, ang isa sa nagsabuhay ng narinig nating mga pagbasa.



Siya rin po ay galing sa isang payak na pamilya. At siyempre, nangarap din na umangat, ano po? Pero ang Diyos minsan mahiwaga ang mga pagkilos. Kung kailan ibig niyang iangat ang sarili niya para makaalis naman sa karukhaan, si San Vicente ay parang nadakip at naibenta bilang ‘slave’ (alipin). At naranasan niya ang karanasan na pang-araw-araw na hirap at pagmamaliit na buhay ng mga alipin. Nakakalungkot iyon, pero sa kamay ng Diyos, nakatulong iyon para siya maantig ang kaniyang puso sa kalagayan ng mga taong dinadakip, binebenta, nagiging alipin.


Sa panahon po natin ngayon marami pa ring ganyan - human trafficking. Mga pangangakuan ng kung anong trabaho, pagdating doon, wala. May nabisita po akong bansa na kinausap ako nung isang pari kung pwede kong i-meeting yung mga Pilipino na dinaya, nag-apply ng trabaho. Yung isa ang inapplyan niya, caregiver. Kasi mayroon siyang natapos na kurso dito, caregiver. Pagdating niya doon, sa kung saan man siya, ayokong sabihin ang bansa, pinag-alaga siya ng mga manok sa poultry. Nagreklamo siya. Sabi niya, “Ang kontrata ko caregiver.” Sabi sa kanya, “Ayan, alagaan mo, manok!” Sabi sa kanya, “Binasa mo ba ‘yung kontrata? Wala namang nakalagay doon ang aalagaan mo tao eh.” Nakakalungkot, ano ho?


Si San Vicente naranasan din niya iyan, nagbukas ang kanyang mga mata at sa kamay ng Diyos, siya ay nakarinig ng tawag na katulad ni Hesus - bigyan ng pagpapahalaga ang mga dukha, ang mga tao na hindi pinahahalagahan ng lipunan. Sabi nga ni San Vicente, “Ang mga dukha ang ating mga…hindi lamang kayamanan kundi ang ating mga panginoon, ating amo.” Hindi sila ang dapat nag-aalipin, naglilingkod sa atin. Tayo ang maglilingkod sa kanila bilang ating mga panginoon.


Pero sineryoso rin ni San Vicente yung ginawa ni Hesus - manalangin tayo para marami pang maglingkod. Nung panahon niya, tinipon niya ang maraming tao, mga kababaihan para maging katuwang sa pag-aalaga sa mga dukha. Yung Confraternity of Charity, yung Daughters of Charity, at ang atin pong mga pari, Vincentians, para po maghubog ng mga katuwang ng Diyos sa paglilingkod. Formation.


Ang ganda po. Kaya marapat lamang na ating pasalamatan ang Diyos sa kanyang Mabuting Balita at sa biyaya ng mga katulad ni San Vicente na sineseryoso ang Salita ng Diyos - umiikot, nakakakita, naaantig, kikilos, at mag-aanyaya ng iba para gawin ang kalooban ng Diyos.


Ito po ang ating panalangin para sa ating lahat. Para po sa mga parishioners ng San Vicente, katulad niya, dapat “gala” kayo. Gala, sige, ikot! Hindi sa mall, ho. Ikutin ang mga eski-eskinita, buksan ang mata, buksan ang puso, at maglingkod. Pagkatapos niyong gumala, magsama pa kayo ng ibang gagala, hubugin sa salita ng Diyos, sama-samang itaguyod ang kanyang paghahari.


Translated by Gel Katalbas


240 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page