top of page
Search

Katulad ni Mateo, si San Lorenzo Ruiz, pinuntahan din ni Hesus at sinabi, “Sumunod ka sa akin.”

Homily of H.E. Cardinal Luis Antonio G. Tagle

Novena Mass for the Feast of St. Lorenzo Ruiz

Minor Basilica and National Shrine of San Lorenzo Ruiz

September 21, 2023



Cardinal Luis Antonio Tagle at the Novena Mass for St Lorenzo Ruiz on the Feast of St Matthew 2023 | DominusEst.PH Dominus Est
Cardinal Luis Antonio Tagle at the Novena Mass for St Lorenzo Ruiz on the Feast of St Matthew 2023

Mga minamahal na kapatid sa Panginoong Hesukristo, tayo po ay magpuri at magpasalamat sa Diyos na Siyang nagtipon sa atin bilang isang sambayanan sa pagdiriwang po ng Eukaristiya sa araw na ito, Kapistahan ni Apostol San Mateo.


At ngayon din po ay ikatlong araw ng ating pagnonobena bilang paghahanda sa kapistahan ni San Lorenzo Ruiz. Maganda po ang kapistahan ni San Mateo kaugnay ng kasaysayan ni San Lorenzo Ruiz.


Sino ba si San Mateo?


Katulad po ng nabanggit natin sa pasimula ng misa at narinig sa ebanghelyo, si San Mateo ay isang taga-singil ng buwis. Noong panahon na iyon, wala pa naman pero meron na ring katumbas ang BIR (Bureau of Internal Revenue). Pero nung panahon na iyon, si San Mateo ay naniningil ng buwis sa mga Israelita. Pero saan napupunta? Kanino napupunta ang buwis na binabayad ng mga Israelita? Sa mga Romano. Kasi ang Israel noong panahon na iyon ay nasasakupan ng mga Romano. Kaya ang tingin ng mga Israelita sa mga taga-singil ng buwis, sila ay mga taksil sa bayan dahil parang pinipiga nila ang sariling kababayan para kunin ang kanilang pera papunta sa mga banyaga, mga foreigners, na umuukopa sa bayan. Kaya sa trabaho pa lang ni San Mateo, wala na siyang kaibigan. Sabihin na natin na wala siyang ginawang kalokohan, yun lang kanyang trabaho, maningil ng buwis mula sa mamamayan para dalhin niya sa occupying forces, siya ay mayroon nang tatak: “Ito ay taksil”, “Ito ay makasalanan”. Kaya walang gustong makipagkaibigan kay Mateo. Walang ibig pumunta sa kanyang bahay. Siya ay para bagang “outcast”. Hindi siya kabilang sa lipunan at tinuturing na marumi, hindi karapatdapat.


Pero nandito na po ang napakagandang ginawa ni Hesus. Napadaan si Hesus at nakita si Mateo nakaupo sa singilan ng buwis. At ano ang ginawa ni Hesus? “Sumunod ka sa akin.”


Siguro nagulat si Mateo. Sa katunayan, sa isang painting na gawa ni Caravaggio tungkol sa pagtawag kay Mateo -- si Mateo, nandiyan ang ibang tao, si Hesus tinuturo siya parang “Sumunod ka sa akin” -- ang reaksiyon ni Mateo doon sa painting ay, “Ako?” Parang hindi siya makapaniwala. “Ako ba ang tinuturo mo? Ako ba ang kinakausap mo?” Siguro hindi siya sanay na may kumakausap sa kanya. Hindi siya sanay na may tatawag sa kaniya at mag-aanyaya, “Sumunod ka sa akin.”


Sorpresa ng Diyos. Sorpresa sa isang tao na ang tingin ng lipunan, “Wala kang papel sa amin.” Nagulat siya, may isang tao na parang nagpapaalala sa kaniya, “Mayroon kang papel. Mayroon kang gagampanan.”


Tumayo nga si Mateo at sumunod kay Hesus. Iniwan ang singilan ng buwis. Saan pumunta si Hesus? Sabi niya, “Sumunod ka sa akin.” Saan dinala ni Hesus si Mateo? Saan? Sa bahay ni Mateo! Ah, kakaiba ito ha. Iisipin natin, “Sumunod ka sa akin.” Eh di dapat sana dinala ni Hesus si Mateo sa bahay nila, ni Maria at ni Jose. Sana dinala niya doon sa lugar kung saan sila nagmimeeting ng iba niyang mga apostoles. Hindi! Dinala ni Hesus si Mateo sa bahay ni Mateo. Pumunta si Hesus sa bahay ni Mateo at doon nakasama ni Hesus ang iba pang mga taga-singil ng buwis at mga makasalanan.


Dinala ni Hesus si Mateo sa loob ng kaniyang bahay, sa loob ng kaniyang puso. Dinala ni Hesus si Mateo sa piling ng mga katulad niya na inaalipusta dahil marumi raw, makasalanan. Si Hesus pumunta sa kanila. At dinala silang lahat sa puso nila upang doon magulat sila. Oo, sila’y makasalanan. Pero sabi ni Hesus,


“Naparito ako upang tawagin ang mga makasalanan. Nandito ako para sa inyo. Kayo na sugat-sugatan, kayo na inaalipusta, kayo na tinuturing ng mundo na marumi, Nandito ako para sa inyo.”

Sino ang naiskandalo? Ang mga pariseo. Yung mga pariseo na ang prinsipyo, “Wag kang lalapit sa makasalanan, mahahawa ka! Wag kang lalapit sa marumi, marururmihan ka.” Kaya ang prinsipyo ng mga pariseo, hiwalayan - “Kayong mga 'makasalanan', magsama-sama kayo. Kaming mga 'malilinis', sama-sama kami. Walang ugnayan.” Naiskandalo ang mga pariseo.


Pero sinagot sila ni Hesus: “Ang mga maysakit ang nangangailangan ng manggagamot, hindi ang walang sakit. Naparito ako upang tawagin ang mga makasalanan, hindi ang mga nagbabanal-banalan.”


Sabi ni Hesus, “Ang ibig ko ay habag.” Mercy. Hindi yung mga sinasabi ninyong handog ng mga nagbabanal-banalan.


Nagalit ang mga pariseo kay Hesus. Subalit si Mateo, sumunod kay Hesus patungo sa kaniyang bahay, patungo sa kaniyang puso, at doon tumugon siya sa tawag ng mahabaging Diyos.


Naging aposto, naging ebanghelista.


Ang isa sa mga apat na ebanghelyo ay sulat ni San Mateo. Minamaliit, inaalipusta, minamarumi. Pero sa habag ng Diyos, na nagdala sa kaniya sa kaniyang sariling tahanan, sa kanyang tunay na puso na may kakayanan pala na tumugon. Doon, luminis siya.


Mga kapatid, lahat po tayo ay may pagka-Mateo.


Sino ba sa atin ang pwedeng magmalaki na hindi makasalanan? Ang mabuting balita ay dumating si Hesus para sa bawat isa sa atin. Tinatawag Niya tayo. Sumunod sa kaniya. Hindi sa malayong lugar.


Sumunod sa kaniya kasi papunta siya sa ating puso. Papunta siya sa ating bahay. Papunta siya sa ating trabaho. Doon niya tayo dadalhin, upang doon marinig natin na mahalaga tayo kay Hesus.

Sana tulad ni Mateo, wag tayong mag-atubili.


Ang kuwento ni Mateo, sabi ni Pope Francis, ang naka-inspire sa kanya sa kanyang religious vocation. Kaya pati ang kaniyang motto ay hango sa kasaysayan ni San Mateo. Nakaranas ng habag at tinawag. Ikinahabagan para tawagin.


Kaya po sa araw na ito, lahat ng lalaki dito ang pangalan dapat ay Mateo at lahat ng babae na nandito ang tawag ... Matea. Lahat ng maliliit na bata ang tawag ... Matitino! At ang maliliit na batang babae, Matuti…ay hinde, Matitina!


At sana lahat tayo, kapag naranasan iyong sorpresa na kinahahabagan tayo ng Diyos, huwag tayong mangmamaliit ng kapwa, huwag tayong magmamalinis-linisan, huwag nating ituring yung mga makasalanan, “Ito dapat alisin sa lipunan, dapat mawala sila.” Hindi ganyan si Hesus.


Si Hesus lalapit sa makasalanan at dadalhin siya sa kaniyang tunay na puso na kaya palang sumunod sa Diyos.


Si San Lorenzo Ruiz pinaratangan ng krimen. Sino ang mag aakala na ang unang canonized saint na Pilipino ay mayroong ganyang bad record?


Pero katulad ni Mateo, si San Lorenzo Ruiz, pinuntahan din ni Hesus at sinabi, “Sumunod ka sa akin.”

Kaya lang si Mateo, piansunod ni Hesus sa bahay ni Mateo. Si San Lorenzo Ruiz, pinasunod ni Hesus sa Japan.


Pero pareho rin ang kanilang naging kasaysayan.


Pareho silang naging alagad ni Hesus. Kung si San Mateo hanggang ngayon napakikinggan natin dahil sa sinulat niyang ebanghelyo, hanggang ngayon, naririnig natin ang sinabi ni San Lorenzo Ruiz. Sana iyon ang maging tinig ng bawat Pilipinong Katoliko at Kristiyano -


“Alagad ako ni Hesus. At kahit libong buhay ay aking iaalay para sa Kanya.”

Kinahabagan upang tawagin.


Magpasalamat tayo sa mahabaging Diyos.



Translated by Gel Katalbas

Edited by Margaux Salcedo

Photo: Facebook page of the

Minor Basilica and National Shrine

of San Lorenzo Ruiz


324 views0 comments

Comentarios


bottom of page